Pipoy

"Traysikeeeeeeeeeeeelllllllllllllllllllll!!!!!!!!!!!!!!!!!!" sigaw ni Aling Nena sa gitna ng madilim pang kalsada.

Di sya mapakali at di na malaman kung ano ang gagawin sa mga oras na iyon. Kagabi pa kasi nahihirapang huminga si Pipoy; ang tatlong taong gulang niyang anak. Hindi niya madala-dala sa ospital dahil narin sa kawalan ng salapi.

"Traysikeeeeel!!!!!!!!!!!!!!" muli niyang sigaw na halos mangiyak-ngiyak na.

 Pagparada pa lamang ng traysikel ay dali dali na siyang sumakay, buhat buhat ang lupaypay na katawan ng kanyang anak. 

"Sa ospital po manong, pakibilisan lang!"

Walang patid ang pagdarasal ni Aling Nena habang kalong ang nag-iisang anghel sa kanyang buhay. Hindi niya halos mapaniwalaan na aabot sa ganoong kondisyon ang kanyang anak Dati rati kasi ay nakukuha lamang sa pagpapalanghap ng usok mula sa pinakuluang tubig na may kaunting asin ang hirap sa paghinga nito. 

Pagdating sa pinakamalapit na ospital, nagtatakbo na siya patungo sa emergency room. Hindi nya malaman kung sino ang hihilahin para tingnan kaagad si Pipoy.

Nang lumapit ang mga taong nakaputi, nakasilip si Aling Nena ng kaunting pag-asa. Naupo siya saglit upang makabawi ng lakas. Nagbalik sa isip niya ang nakaraan...

Naalala niya kung gaano siya kaligaya nang unang malaman niyang  nagdadalang-tao siya. Inalagaan niyang mabuti ang kanyang pagbubuntis kahit gaano siya hirap sa buhay. Bawat araw na lumilipas ay nasasabik siya na sana ay maisilang na ang kanyang anghel. 

Di mawala sa labi niya ang matamis na ngiti nang una niyang marinig ang iyak ng anak matapos nitong masilayan ang mundo. Bawat tawa, iyak, salita nito'y musika sa kanyang pandinig. Ni minsan ay di nawalay sa kanyang tabi ang kanyang munting anghel.

"Siya lang po ang meron ako Panginoon... Wag Niyo muna po siyang kunin sa akin... Parang awa Niyo na po..." tahimik niyang panalangin habang walang patid ang pagluha niya.

"Misis." wika ng isang nars. Nais kayong makausap ng doktor.

Nanginginig man ang mga tuhod ay dahan dahan siyang lumapit sa doktor. Umaasang magandang balita ang hatid nito.

"Dok..." ang tanging nasambit niya.

"Pasensya na misis... ngunit wala napong buhay ang bata nang dumating kayo dito. Ginawa po namin ang lahat ng aming makakaya subalit huli na ang lahat. Labis na po siyang nahirapan at hindi na kinaya ng mura niyang katawan..."

Tila tumigil ang pag-ikot ng mundo ni Aling Nena matapos marinig ang masamang balita. Nais niyang sumigaw. Magwala. Manisi.

Sa sobrang hinagpis ay muli niyang binuhat ang anak. Takbo dito, takbo doon. Di malaman kung saan dadalin ang katawan nito upang bigyang buhay muli. 

Nang mahimasmasan siya'y napalugmok na lang sa isang tabi.

"Kung nadala ko lang sana siya nang mas maaga... Kung may pera lang sana ako upang maipagamot siya..."

Ngunit wala na siyang magagawa kundi tanggapin ang pangyayari...

Tinitigan niya ang anak. Napakapayapa ng mukha nito. Wari'y nakangiti sakanya.

"Paalam na, anak... Alam kong magkikita tayong muli. Patawad dahil wala akong nagawa para pahabain pa ang pananatili mo dito sa mundo. Mahal na mahal kita."

Maya maya pa'y isang paruparo ang nakita niyang lumabas mula sa ospital.

*****

Sana'y wala nang mga katulad ni Pipoy na sumasakabilang buhay dahil sa kawalan ng maagang atensyong medikal.

Sana ay wala nang mga katulad ni Aling Nena na nawalan ng anak dahil sa kawalan ng salaping pampaospital.


**Based on a true story.


Like our posts? Don't miss out on the latest updates! Subscribe via email:

Delivered by FeedBurner

Related Topics:

2 lovely comments Ƹ̵̡Ӝ̵̨̄Ʒ:

 
TOP