Hindi ko alam kung gaano kahaba ang walang hanggan
Hindi ko alam kung talagang may walang hanggan
Ang alam ko lang, itong nadarama ay tila wala ng katapusan
Ang puso ko'y punung-puno ng bala, parang baril sa gera
Gusto kong paulanan ka ng bawat letra na siksik
Sa pulbura ng emosyon ng pagmamahal.
At kapag ito'y tumama sa iyong puso, nawa'y ang pakiramdam
Ay parang pinana ka ni Kupido.
Ng sa gayon maramdaman mo din ang nararamdaman ko para sa'yo.
Isa itong malayang taludturan, kung saan walang
Intensyong pagtugmain ang bawat salita o letra.
Datapwa't ang intensyon ng patnugot ay iparating
Sa nagbabasa ang malalim na nadarama.
Pinaghugutan ang mga salita na tila'y nalimot na
Ng pusong sa sigwa'y namalagi.
Nawa'y sa paglipas ng bawat araw, maiwang namumutawi
Ang ngiti sa aking mga labi.
Ipinapanalangin sa langit na pagbigyan ang damdamin
Ng makatang tapat na handang magpa-alipin.
Kung ang pag-abot ng palasyong pangarap ay
Nangangahulugan ng hirap at pagsisikap - akin itong pagsasabayin.
Nawa aking sinta, ang pagmamahal ay laging mamutawi
Sa iyong puso, labi at mata.
Para sa tuwi-tuwina'y sa aking pagsulyap at masilayan ang iyong mukha - palagi ng sasaya.
(c) Jimmy S. Tarin, RPm
October 10, 2016
Maganda ang pagkakasulat ng tula..sulat pa more....
ReplyDelete