Minsan akong nagtanong noong bata pa ako, “Nay, social work nadin kaya ang kunin kong kurso sa kolehiyo gaya ng sa’yo?” Bata palang kasi, sinasama na nya ako sa opisina kaya nakikita ko kung ano ang ginagawa nila. Maging sa paghahatid ng mga bata sa centers kasa-kasama nya din ako. Naisip ko noon, parang madali lang naman ang trabaho at kayang-kaya ko. Nagtaka nga ako nang ang sinagot nya sa akin ay “Huwag na. Mahirap maging isang social worker.”
Our School ID :) |
Hindi madali maging isang working student. Maraming pagkakataon na nagkakasabay-sabay ang mga deadlines sa trabaho at mga gawain sa eskwelahan. May times na para matapos mo ang lahat ay magdadala ka ng trabaho maging sa paaralan. Kung minsan, kahit pagod ka na sa trabaho ay kailangan mo parin magpakita sa iyong pang-gabing klase dahil bukod sa ikaw ang nagbabayad ng tuition fee mo e sayang naman ang mga leksyon na mami-miss mo kapag umabsent ka.
Look at the clock, it was already 7pm.:)
Pero, nakaka-overwhelm din talaga kung minsan at ilang beses ko ring naisip na nakakapagod na, parang ayoko na. May time pa naman, baka pwedeng next sem nalang ulit ako mag-aral. Ngunit kasabay noon ay naiisip ko din na ang layo na ng narating ko, ngayon pa ba ako titigil? Ang dami ko nang nalampasan, ngayon pa ba ako susuko?
Naalala ko tuloy ang kwento ng isang atletang mananakbo. Bago pa man magsimula ang prestihiyosong kompetisyon ay pinangarap na niyang maabot at manguna sa finish line. Maayos ang kanyang pagtakbo sa simula ngunit, sa kalagitnaan ng paligsahan ay ang biglang pagsakit ng kanyang paa na tuluyang nagpatumba at nagpatigil sa kanya. Kasabay ng sakit na kanyang nadarama ay ang masidhing dedikasyon na tapusin ang nasimulang karera. Ilang sandali pa, siya ay tumayo at tumakbo ng papilay-pilay. Tumakbo siya nang tumakbo hanggang sa kanyang makamtan ang sukdulan ng linya. Nagawa niyang matapos ang isa sa pinakamalaking hamon sa kanyang buhay. Hindi man niya nasungkit ang inaasam na medalya, sa malaking entablado na ‘yon ay nagpamalas siya ng angking tapang at nag-iwan ng inspirasyon sa lahat ng manonood na huwag susuko sa gitna ng laban.
Graduation Picture taken @ Wesleyan University-Philippines.
Ang kwento ng atletang mananakbo ay sumasalamin sa tagumpay na nakamit ng bawat isang narito ngayon sa bulwagang ito. Iba-iba man ang paghahanda na ating ginawa at siguradong may kanya-kanya tayong kwento kung paano natin nalampasan at naipasa ang ating Licensure Exam, pero pare-pareho tayong humarap ng buong tapang at dedikasyon sa isang karerang hindi natin tatakbuhan bagkus ay pagsu-sumikapang abutin ang tugatog ng tagumpay. Sa puntong ito, hindi na mahalaga kung ano ang nakuha mong score. Dahil at the end of the day, pare-pareho na tayong lisensyadong social workers. Bawat luha, sakripisyo, paghahanda at panalangin natin ay nagbunga na.
Just me, delivering this very speech. 🙈
Tama nga pala ang sabi ng nanay ko, mahirap maging isang social worker. Maraming disiplina ang pinaghuhugutan ng propesyong ito at parang hindi natatapos ang gawain. “From womb to tomb,” wika nga nila. Pero, wala ring kapantay ang sayang naidudulot kapag natulungan mo ang isang kapwa na nangangailangan. Nakakapawi ng pagod ang bawat pasasalamat at bawat ngiti sa kanilang mukha kapag napa-abot na natin sa kanila ang iba’t-ibang serbisyo.
Ang pagpasa natin sa Board Examination ay simula pa lamang ng ating pagharap sa mga responsibilidad bilang isang manggagawang panlipunan. Sa kasalukuyan, maraming problemang kinakaharap ang ating bansa tulad na lamang ng lumalaking bilang ng mga batang napapasali sa mga krimen, droga, prostitusyon at iba pa. Lahat ng ito’y karaniwang nag-uugat sa kahirapan; isang nakalulungkot na sitwasyon na mahirap tuldukan sapagkat ang pagdarahop ay structural. Isang malaking hamon para sa ating lahat kung paano tayo magiging instrumento at parte ng solusyon. Nawa, lahat ng ating natutunan sa loob at labas ng paaralan ay ating gamitin bilang sandata sa pagharap ng kinabukasan.
Let us pay it forward mga kapatid. Gaya nga ng sabi ni John Wesley, founder of Methodism, “Do all the good you can, By all the means you can, In all the ways you can, In all the places you can, At all times you can, To all the people you can, As long as you ever can.”
good luck palagi sa buhay mo....
ReplyDeleteSalamat po kuya :)
Delete